Sunday, November 14, 2004

si lou at erin (vamp chronicles 2)

“Titit…titit!” automatically (by instinct?) my hand reaches for the fone, habang nakatitig pa rin ako sa tasa sa kama. Pinang-konswelo ko ulit sa sarili ang kape kagabi at pagkatapos ay ginawa na namang slide ng gitara ang tasa. Brrrwwwwennnggg!!!

I should change my message tone. Kahapon lima kaming sabay-sabay na naglabas ng telepono nang may nagtitit-titit sa gitna ng MRT. Dahil naramdaman kong nag-vibrate ang cfone ko eh dahan-dahan at nakangisi kong kinuha ito “Mga ulol! Walang nagmamahal sa inyo, ha!” Nakangiti at patangu-tango ko pang binasa ang message (na naman) ng Smart sa akin: masmalaki ang chances kong magkapera kung panay ang tawag ko overseas! Nakangiting nagbuntung-hininga pa ako at saka idinikit muna ang telepono sa kanang pisngi at nagbyutipul-ays pa bago ko ibinulsa ulit ito.

Naisip ko pagkatapos no’n iyong French Baker bagels na bread of choice daw ng mga health conscious, with only 1 gram of fat per. Tapos best daw if it’s eaten with Philadelphia cream cheese.

8488888. Tangina Smart na naman! Binuksan ko ang aking inbox at binasa ulit ang huling message ni Erin sa akin: WIL B IN MNL NXT WK, KITAKITS LOU! Sent:3-Dec-2001 11:30:30 Sender:Erin Uppercase

Erin had to choke on a chicken bone bago kami nagkita kaya sa burol na niya ako nakadalaw.

Kagabi andon iyong mga comrade niya. Naalala ko, it was after we saw Dr. Zhivago in a filmfest when Erin started calling everyone comrade, making everyone comrade professors, comrade janitors, comrade movie ticket tearirists, comrade fishball vendors, even comrade drug pushers.

“Comrade porn video clerk, me nagsoli na ba ng Batutang Itim?” Nano-nood kami ng porn noon na walang sound iyong TV tapos may tumutugtog na revolutionary songs sa cassette player. “…iwagayway ang bandilang pula” o kaya “…may panahong mag-duda’t magtanong, ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong…” Pinakakwela iyong orgy scene kasabay ng “…ang mga gahaman ay hindi dapat mabuhay lipulin silang lahat!” Miyembro din nga pala kami ng cultural group dahil marami kaming alam na rev songs.

Pagka operation pinta siya gusto kong ka-buddy parati, pinapaunlakan niya kasi akong bumili ng dark red na pintura imbes na red cement lang, tapos ay hahayaan niya iyong pagsulat ko na maraming tulo-tulo at talsik-talsik na pula. Pero ayaw niyang magpalagay ng kahit ga-tuldok na pintura sa leeg.

Pinalampas ng mga bosing noong ’86 elections iyong aming ‘revolucion la solucion!’ instead of the usual rebolusyon di eleksyon’. Pero sinabon kami ng husto a year later nong imbes na ‘Cory tuta ng Kano’ ay “Cory tanginamo!’ ang naka-OP sa mga pader sa area namin. Pilit pang pinapa-amin sa amin na kami daw gumawa noong malaking ‘Katarungan para kay Gollum!!’ sa harap ng admin building.

Naalala ko noong pinabasa niya sa kin iyong The hobbit tapos iyong Silmarrillon. Ganon daw dapat iyon tapos saka pa lang babasahin iyong Lord of the Rings. Siya din iyong nagturo sa akin na huwag bibili ng strawberry jam sa Baguio, dapat strawberry preserve. At, strawberry preserve din daw iyong ilagay ko sa oatmeal kaysa asukal. Ang ska ay nauna sa reggae at ang reggae ay gusto rin ng mga punk. Manood ng Aeon Flux. Once a year dapat umakyat ng bundok at doon magbasa ng tula…nang binibigkas, unless na si e.e. cummings ang nadala mong libro ay “…poetry is supposed to be spoken my dear, and meant to be heard”. Never ever put ice in your beer.

Si Erin iyong taong all heart, parang ‘60s na international freedom fighter katulad nina Che, determinado sa prinsipyo pero hippie ang personalidad. Someone who could quote Rosa Luxembourg while wearing tattered jeans and a Verbal Abuse shirt. I can’t explain it myself pero there’s this ‘lightness’ in Erin’s persona. Floating and fleeting, somehow describe Erin completely. Everywhere and nowhere, there and not there. Parang specter.

Kahit sa pagkilos, hindi siya makikipagsabayan sa magdamagang theorizing o mainitang debate o sa overzealous displays of hatred sa esatado o pagmamahal naman sa masa. Erin is above all that, does not need that. Basta andon siya at nagpatuloy siyang andon, habang kaming mga ‘feel na feel’ ay nagalit, napagod, nakalimot, at nawala na.

Sinabihan niya ako dati na huwag ko daw tawaging gawaing masa ang paghugas ng pinggan at pagtulong-tulong sa aming mga pinupuntahan dahil gawaing bahay daw iyon. Tinawanan pa ako non na paano daw ako nakakapagturo tungkol sa pyudalismo samantalang hindi pa ako nakakakita ng kalabaw.

Binibiro ko siya na kaya lang naman ako naging aktibista para matuto akong makapagtagalog ng malalim. Amused naman siya when I, at the slightest provocation, would go “Kasama! Pinapatagal mo ata ang tagay. Tila napanghihinaan ka ng loob. Pinupuna ko ang liberal na aktitud na ipinapamalas mo, bakahin mo ang iyong kahinaan. Kung sa iyong palagay ay wala na sa balangkas ng mga prinsipyo ng ating kilusan ang iyong pag-iisip at gawi ay may pagkakataon ka pang tumiwalag sa ating samahan!”

Sa isang inuman din namin nang sabihan niya ako ng “Comrade, pagkatapos mo bang tumagay kita hahalikan o ngayon na?” Ganon lang naman kami, pahawak-hawak ng kamay sa mob, tapos patikim-tikim ng kendi na nasa bibig ng isa, pahimas himas ng bewang o papindut-pindot sa pwet, ganon lang. Wala namang gustong magpormal ng relasyon, dahil hindi naman ipino-pormal ang pagpindut-pindot. Kahit noong dumaan na ang ilang taon at pati na rin ilang mga naka-relasyon, ganon pa din kami, kapag may gustong magpatikim ng dila ay titikman naman ng isa.

“Erin, are we ever going to have a proper affair?” tanong ko sa kanya noon, tinawanan lang niya ako at sinabing tagay ko na daw.

Pero noong umalis siya para sa una sa napakaraming ‘malalayong’ lugar na pagkikilusan niya ay binigyan niya ako ng lata ng Valda Pastilles. Binuksan ko ito at nakitang puno ito ng condoms. “Just in case we may want to make love someday.” nakangiting sabi niya. “Meron din ako,” sabay turo niya sa kanyang backpack, “goodbye Lou.”

After having (safe!) sex with Erin’s condoms, ilang beses ko nang na-replenish ang laman ng latang iyon. Pero every time I make love and a condom is needed, it’s like Erin is there between my lover and me.

Si Erin ang karelasyon kong hindi, kalaguyo sa pagtatalik na di naganap, comrade sa e-mail, kalandian sa text, kainuman sa harapan, asawa sa pakiramdam. Ang aking to have been.

Si Erin, ang tatanga-tangang nakalunok ng buto ng manok.


No comments: