Disyembre 28, pa-gabi, nasa ilalim ako ng traffic light sa gitna ng kalabaw at tamaraw sa Luneta. Walang El Shaddai pero maraming mga mag-boypren at gerlpren, mga mag-bugaw at puta, mga aleng nakaupo at mga mamang pormang Tony Ferrer na nakatayo.
Dahil sa katangahan kong pagsabi kina George at Jazer na ako ay nasa Quezon Circle, imbes na sa Welcome Rotonda na, kaya ako sa Luneta nagpalipas ng oras. Pero dapat nasa kanila ako sa Mary Johnston kung asan andon ang aking inaanak to be na si Julia. Mga dalawang dalagita na ang ngumiti sa akin sa pagkakamaling pedophile ako’t may pera, bago pa nakarating sina Jazz at Jorje para sunduin ako’t tumuloy na kina Bobby. Unang Linggo ng Disyembre ko natanggap kay Jazz na may kitakits nga daw ang ilang mga taga Sunshine bago matapos ang taon. 1983-2003, wow dalawang dekada, ilang kulubot o ilang palapag ng bilbil o ilang nalagas na buhok ba ang idinulot non? Ilang anak kaya o ilang asawa o ilang hindi na-anak o di na-asawa? Katulad ng dati, naunahan si Bobby ng kanyang ngiti sa pagsalubong sa aming pagdating. Sa labas pa lang ay naramdaman namin ang kolektibong kasayahan ng mga tao sa loob ng bahay dahil sa wakas ay puwede na ring kumain. Nuong sumilip ako sa pinto ay may babaeng sumalubong agad ng yakap, “Mrs. Valenzona, I’m glad you could make it!” sabi ko. Nagtawanan iyong mga iba at nakita kong si Hazel G. pala iyon, buti hindi narinig. Kinamayan ako ni Bernard na ganon pa rin ang itsura pero mayroon nang salamin, at binati pagkatapos ni Arlene G. na ganon pa rin ang itsura pero mayroon nang asawa (romel, 20 years, kapag hindi mo mamukhaang kaklase mo ay malamang asawa ng kaklase mo). Nagulat din ako na andon si Abe, pero mas nagulat ako na hindi nga si Abe yon kundi si Edric! Siguro si Abe slim naman ngayon. Patuloy ang yakapan, at sino naman itong matangkad na mamang ito? Si John James! Parang si Robin Williams na Peter Pan sa Hook, John James grew up! Halos si Bobby at si Hazel ang naghanda ng pagkain, na masarap naman. Si Hazel din ang may dala ng vodka, at siya rin ang taga-halo with soda – gamit ang hintuturo. Masarap din naman. Ang pinulutan namin eh pagkwento ng mga parte ng katawan ng mga kaklaseng hindi dumating nuong gabing yon – buhok, noo, mata, ngipin, batok, boobs, tiyan, balat, buhok sa binti, at paa. Mag-isip kayo ng mapanlait na pang-uri at malamang nagamit namin iyon. Mayroon ding tumutok sa usaping sino sa mga lalaki ang single pa, kasama na rin nang sino ang gay. Nakakatuwang isipin na nakasama ko uli ang mga taga Sunshine. Sina Arlene at George kaklase ko nuong Grade 2 pa, sa classroom malapit sa canteen katabi ng bilihan ng softdrinks, kaya malagkit parati suwelas namin. Si John James naman kahit nanay niya natatandaan ko pa. Si Bobby hanggang ngayon Roberto pa rin sa isipan ko. Sabi ko kay Bernard na nabanggit ng lolo ko non na tanungin ko kung taga-saang Gorospe siya dahil baka daw kamag-anak namin siya. Si Edric ay naalala pang napasama silang magkapatid sa bahay namin dati sa Caloocan dahil nawala iyong pamasahe nila. Si Jazer naalala ko na kinamanghaan kong nababaon pala ang spaghetti para lunch. At si Hazel naman ay nakita ko pang kulot ang buhok niya. Sabi ko nga sa kanila ay, “Biro niyo, magkakakilala tayong lahat nuong sa ulo pa lamang tayo tinutubuan ng buhok.” Gusto ko ring makita ang iba pang ka-batch natin, marami ang hindi ko na nakita mula graduation. Si Vivian nga nalaman ko na lang na me gusto pala ako sa kanya noon nang simula ng first year high school nang nagulantang ako na ‘di ko na pala siya makikita araw-araw!’ Dapat pala ang paalaman nating lahat noon ay ‘O sa susunod na milenyo na lang, bye-bye muna.’ Pagkatapos ng graduation, andami nang nabago sa ating sarili at sa lipunan. Ang ‘bygone times’ sa ibang mga tao ay iyong panahon ng pananakop ng Amerikano o panahon ng gera sa Hapon o panahon bago mag-Batas Militar. Ang ‘nakaraang panahon’ para sa akin ay ang panahon natin sa elementarya, 1977-83, ang ating kabataan na napapa-gitnaan ng panahon ng paglatag ng batas militar at panahong patungong EDSA revolution. Habang nagbibiruan naisip kong kahit na ilang taon nang hindi nagkakitaan ang dali naman palang bumalik sa ganito. Balik Voltes V, Bazooka Joe na may komiks, sorbetes na inilulubog sa tsokolate, speech choir, Wednesday mass, kalyeng walang LRT, bus na walang aisle at walang takip sa isang gilid, Star Wars, Thriller, unang crush, unang regla, Alis Kamatis at Islaw Kalabaw. Sa pagkikita nuong Disyembre 28 ay, totoo nga, nangyari nga yong panahon na iyon, kayo iyong mga kasama ko noon. At sa pagkakita ko sa inyo sa ngayon ay, oo nga, tunay nga, maganda nga tulad ng sabi nila ang kinabukasan para sa ating mga bata nuong panahon na iyon. Ikabod Enero 2004 |
Sunday, November 14, 2004
disyembre 28
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment